Roma 7

1Mga kapatid, kayo’y nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao’y nasasakop lamang ng batas habang siya’y nabubuhay. 2Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. 3Kaya nga, siya’y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. 4Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan dahil kayo’y bahagi ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. 5Noong tayo’y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. 6Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo’y naglilingkod sa Diyos hindi dahil sa lumang batas na nakasulat, kundi dahil sa bagong buhay ng Espiritu. 7Ang ibig bang sabihin nito’y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung ano ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba.” 8Ngunit dahil sa kautusan, ang loob ko’y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan. 9Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan 10at ako’y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako’y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan. 12Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti. 13Ang ibig bang sabihin nito’y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama. 14Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako’y makalaman at alipin ng kasalanan. 15Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. 16Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. 18Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawâ ang mabuting ninanais ko. 19Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. 20Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin. 21Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. 22Sa kaibuturan ng aking puso, ako’y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. 23Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan. 24Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? 25Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya!Ito nga ang kalagayan ko: sa aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking katawang makalaman, pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan.

will be added

X\