Roma 11

1Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil na nga kaya ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Ako’y isang Israelita rin, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. 2Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa’y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. 3Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” 4Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” 5Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. 6At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang siyang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob. 7Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito dahil matigas ang ulo ng iba. 8Tulad ng nasusulat: “Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa, mga matang hindi makakita at mga taingang hindi makarinig, hanggang sa panahong ito.” 9At sinabi rin ni David, “Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista, isang katitisuran at parusa sa kanila. 10Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita, at sila’y makuba sa hirap habang buhay.” 11Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila’y tuluyan nang mawasak? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. 12Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik loob sa Diyos ang buong Israel! 13Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako’y apostol ninyo, ipinagmamalaki ko ang aking tungkulin. 14Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. 15Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay! 16Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. 17Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, 18huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo. 19Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako’y maidugtong.” 20Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya sa Diyos, at ikaw naman ay idinugtong dahil sumampalataya ka sa kanya. Kaya’t huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. 21Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? 22Dito’y makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma’y puputulin din. 23Ang mga Judio’y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. 24Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na salungat ang ganoon sa takbo ng kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga tunay na sanga nito. 25Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay pansamantala. Tatagal lamang iyon hanggang sa mabuo na ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. 26Kapag nangyari iyon, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat: “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas. Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. 27At ito ang gagawin kong kasunduan namin kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.” 28Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila’y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila’y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. 29Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. 30Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. 31Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo’y maranasan din nila ngayon ang kanyang habag. 32Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag. 33Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat, 34“Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon? Sino ang maaaring maging tagapayo niya? 35Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya na dapat niyang bayaran?” 36Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.

will be added

X\