Mateo 22

1Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinhaga. Sinabi niya, 2“Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. 3Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. 4Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ 5Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. 6Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. 7Galit na galit ang hari kaya’t pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lunsod. 8Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. 9Pumunta kayo sa mga lansangang matao at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ 10Pumunta nga sa mga pangunahing lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama’t mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan. 11“Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. 12Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, 13kaya’t sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo’y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.'" 14Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.” 15Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. 16Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama nang ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo’y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa mga tao. 17Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” 18Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya’t sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit nais ninyo akong hulihin? 19Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambuwis.”At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. 20“Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus. 21“Sa Emperador po,” tugon nila.Kaya’t sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.” 22Namangha sila nang marinig ito, at sila’y umalis. 23Nang araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. 24Sinabi nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. 25Noon po’y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya’t ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. 26Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. 27Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. 28Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya’y napangasawa nilang lahat?” 29Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang iniisip ninyo, palibhasa’y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30Sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. 31Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, 32‘Ako nga ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” 33Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan. 34Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. 35Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusang Judio, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. 36“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya. 37Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38Ito ang pinakamahalagang utos. 39Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.” 41Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. 42“Ano ang pagkaalam ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?”“Kay David po,” sagot nila. 43Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ nang nasa kanya ang Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi, 44‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’ 45Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” 46Isa man sa kanila’y walang nakasagot, at mula noo’y wala nang nangahas magtanong sa kanya.

will be added

X\