Marcos 7

1Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. 2Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kinaugalian. 3(Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. 4Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, at mga higaan.) 5Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.” 6Sinagot sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito’y sa bibig at hindi sa puso bumubukal. 7Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’ 8Winawalang-kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y mga katuruan ng tao.” 9Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! 10Halimbawa, iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ 11Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos ang mga tulong ko sa inyo’; 12ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. 13Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito.” 14Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! 15Walang pagkain na pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas dito.” 17Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga. 18“Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, 19sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin. 20At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. 21Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang naguudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, 22mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. 23Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.” 24Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. 25Ang pagdating niya’y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. 26Ang babaing ito’y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. 27Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak.” 29Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo. 31Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. 33Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. 34Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi’y, “Bumukas ka!” 35Noon di’y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. 36Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. 37Buong paghangang sinasabi nila, “Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!”

will be added

X\