Marcos 12

1At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala at siya’y nagpunta sa ibang lupain. 2Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte. 3Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. 4Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga katiwala. 5Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. 6Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya’t pinapunta niya ito sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7Ngunit nag-usap-usap ang mga katiwala, ‘Ang taong iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang ganap nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 8Kaya’t sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan. 9“Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. 10Hindi ba’t nabasa na ninyo ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. 11Ito’y ginawa ng Panginoon, at kahanga-hangang pagmasdan?'" 12Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinapatamaan ng talinhagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus. Subalit hindi nila ito magawâ sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya’t umalis na lamang sila at iniwan si Jesus. 13Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. 14Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo’y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag ba sa ating Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?” 15Alam ni Jesus na sila’y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.” 16At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakatatak dito?” tanong ni Jesus sa kanila.“Sa Emperador po,” tugon nila. 17Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.”At sila’y labis na namangha sa kanyang sagot. 18May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19“Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito’y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya’y namatay na walang anak. 21Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit ito ay namatay ring walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha’y ang babae naman ang namatay. 23Kapag binuhay na muli ang mga patay sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?” 24Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang paniniwala ninyo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25Sa muling pagkabuhay, ang mga tao’y hindi na mag-aasawa; sila’y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!” 28Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” 29Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. 30Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.’ 31Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” 32Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. 33At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.” 34Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya’t sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus. 35Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36Hindi ba’t si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya’y gabayan ng Espiritu Santo: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.'" 37Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?”Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. 38Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at nagagalak na sila’y igalang ng mga tao. 39Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. 40Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.” 41Naupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob doon sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghahandog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42Lumapit naman ang isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. 43Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. 44Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng biyudang iyon, bagama’t siya’y mahirap, ay ang buo niyang ikinabubuhay.”

will be added

X\