Marcos 10

1Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila’y kanyang tinuruan. 2May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya’t lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” 3Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?” 4Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.” 5Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. 6Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. 7‘Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa 8at ang dalawa’y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. 9Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” 10Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. 11Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. 12Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” 13May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos.” 16Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. 17Nang siya’y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” 18Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. 19Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.'" 20Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan.” 21Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22Nang marinig ito ng lalaki, siya’y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya’y lubhang napakayaman. 23Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” 24Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap makapasok sa kaharian ng Diyos! 25Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos.” 26Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?” 27Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo.” 29Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, 30ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. 31Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.” 32Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya’y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya’y muling mabubuhay.” 35Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” 36“Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ni Jesus. 37Sumagot sila, “Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 38Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?” 39“Opo,” tugon nila.Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.” 41Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42Kaya’t pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang siyang namumuno sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. 43Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” 46Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya’y si Bartimeo na anak ni Timeo. 47Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 49Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.”At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila. 50Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. 51“Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus.Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” 52Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.”Noon di’y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus.

will be added

X\