Lucas 19

1Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya’y pandak. 4Kaya’t patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.” 6Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila. 8Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako’y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.” 9At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.” 11Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. 12Kaya’t sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito’y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. 13Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ 14Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya’t nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ 15Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari.“Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ 17‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.’ 18Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’ 20Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. 21Natatakot po ako sa inyo dahil kayo’y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ 22Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako’y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ 24At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ 25‘Panginoon, siya po’y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. 26‘Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako’y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!'" 28Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem. 29Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. 30Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.” 32Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. 33Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34“Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila. 35Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya’y pinasakay nila. 36Habang siya’y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. 37Nang siya’y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. 38Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!” 39Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.” 40Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw.” 41Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito’y kanyang tinangisan. 42Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito’y lingid ngayon sa iyong paningin. 43Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. 44Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.” 45Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. 46Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” 47Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. 48Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan.

will be added

X\