Lucas 13

1Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. 2Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.” 6Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na’t nakakasikip lang iyan!’ 8Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.'" 10Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. 11May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya’y nakukuba at hindi na makaunat. 12Nang siya’y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman.” 13Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di’y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos. 14Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya’t sinabi nito sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo’y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling ng mga sakit at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba’t kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? 16Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” 17Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya. 18Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19Ang katulad nito’y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito.” 20Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos? 21Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya’t umaalsa ang buong masa.” 22Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?”Sinabi niya sa kanila, 24“Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ 27Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ 28Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama’y ipinagtatabuyan! 29Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.” 31Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa lalaking iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. 34“Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo ko sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35Kaya’t pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!'"

will be added

X\