Lucas 1

1Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. 2Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita. 3Kaya’t matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo 4upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo. 5Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala’y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. 6Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. 7Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na. 8Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. 9Nang sila’y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15sapagkat siya’y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16Sa pamamagitan niya’y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.” 18Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako’y matanda na at gayundin ang aking asawa.” 19Sumagot ang anghel, “Ako’y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.” 21Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya’t mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi. 23Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25Sinabi ni Elisabet, “Ngayo’y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!” 26Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27isang dalaga na ang pangala’y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” 29Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya’y papangalanan mong Jesus. 32Siya’y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.” 34“Paano pong mangyayari ito gayong ako’y isang birhen?” tanong ni Maria. 35Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo’y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36Hindi ba’t alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma’y naglihi siya at ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya’y matanda na, 37sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.” 38Sumagot si Maria, “Ako’y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel. 39Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!” 46At sinabi ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, 47at ang aking espiritu’y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, 48sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao’y tatawagin akong mapalad; 49dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Siya’y banal! 50Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya. 51Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. 52Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. 53Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. 54Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel, at naalala ito upang kanyang kahabagan. 55Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!” 56Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi. 57Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. 58Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya’y pinagpala ng Panginoon. 59Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, 60ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61“Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol. 63Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. 64Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. 65Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. 66Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa’t naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon. 67Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos: 68“Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. 69Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. 70Ito’y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, 71na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin. 72Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno, at aalalahanin ang kanyang banal na tipan. 73Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham, 74na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, upang tayo’y makapaglingkod sa kanya nang walang takot, 75at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo’y nabubuhay. 76Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan, 77at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. 79Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.” 80Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya’y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel.

will be added

X\