Juan 12

1Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, ang bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. 2Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Marta naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang amoy ng pabango. 4Ito’y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5“Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” 6Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya’y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya’y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi, at ninanakawan niya ito. 7Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong gawin niya ito bilang paghahanda para sa paglilibing sa akin. 8Habang panaho’y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako’y hindi ninyo kasama habang panahon.” 9Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya’t nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10Kaya’t binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11sapagkat dahil sa kanya’y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus. 12Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13Kumuha sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lunsod upang siya’y salubungin. Sila’y sumisigaw, “Purihin ang Diyos. Hosanna, Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!” 14Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat, 15“Huwag kang matakot, lunsod ng Zion! Masdan mo, dumarating na ang iyong hari, nakasakay sa isang batang asno!” 16Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay muling mabuhay at maluwalhati, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya’t gayon nga ang nangyari. 17Ipinamamalita naman ng mga taong kasama ni Jesus ang ginawa niyang muling pagbuhay kay Lazaro. 18At iyon ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao, nabalitaan nila ang himalang ginawa niya. 19Kaya’t nasabi ng mga Pariseo, “Walang nangyayari sa pagsisikap natin. Tingnan ninyo, sumusunod pa rin sa kanya ang lahat!” 20May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida, sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.” 22Ito’y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang lumapit kay Jesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. 23Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. 24Pakatandaan ninyo: hangga’t hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito’y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25Ang taong nagpapahalaga sa kanyang sarili lamang ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.” 27“Ako’y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito. 28Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.”Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” 29Narinig iyon ng mga taong naroon kaya’t sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” 30Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32At kung ako’y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” 33Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay. 34Sinagot siya ng mga tao, “Sinasabi sa Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao?” 35Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutin ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo’y maging mga anak ng liwanag.”Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila nanalig sa kanya. 38Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ipinahayag? Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?” 39Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias, 40“Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang mga puso, upang sila’y hindi makakita, ni makaunawa ang kanilang mga isip, baka pa sila’y manumbalik sa akin at sila’y pagalingin ko.” 41Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus. nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at nagpahayag siya tungkol kay Jesus. 42Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang nanalig sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila’y itiwalag sa sinagoga. 43Mas ginusto nilang kalugdan sila ng tao kaysa kalugdan sila ng Diyos. 44Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46Ako’y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya’t ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

will be added

X\