Hebreo 12

1Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. 2Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. 3Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob? “Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya. 6Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak.” 7Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito’y nagpapakilalang kayo’y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo’y mga anak sa labas. 9Hindi ba’t dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba’t upang tayo’y mabuhay, mas nararapat na tayo’y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo’y maging banal tulad niya. 11Habang tayo’y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. 12Dahil dito’y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling. 14Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng samâ ng loob na dahil dito’y napapasamâ ang iba. 16Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito’y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. 18Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito’y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. 19Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, 20sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya’t pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!” 22Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23Dumalo kayo sa masayang pagtitipon mga anghel na masayang nagkakatipon. ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ang dugo niyang dumanak ay may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel. 25Kaya’t makinig kayong mabuti sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo’y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26Dahil sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig. 28Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi mayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, sa paraang may paggalang at pagkatakot, 29sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok.

will be added

X\