Gawa 8

1Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban.Nang araw na iyon, nagsimula ang mahigpit na pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay napunta sa iba’t ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. 2Si Esteban nama’y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang. 3Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae. 4Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba’t ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita. 5Nagpunta si Felipe sa lunsod sa isang lunsod. ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. 6Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. 7Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling 8kaya’t nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. 9Doo’y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya’y may taglay na kapangyarihan, 10at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila. 11Mahabang panahon ding sila’y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya’t siya’y patuloy na pinapakinggan nila. 12Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki’t babae. 13Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala. 14Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila’y tumanggap din ng Espiritu Santo, 16sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila’y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo. 18Nakita ni Simon na ang Espiritu’y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya’t inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. 19“Bigyan ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap din ng Espiritu Santo,” sabi niya. 20Sinagot siya ni Pedro, “Mapapahamak ka, ikaw at ang iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! 21Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo. 22Pagsisihan mo ang iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon, na nawa’y patawarin ka niya sa masama mong hangarin, 23dahil nakikita kong inggit na inggit ka at bilanggo ng kasalanan.” 24Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!” 25Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan. 26Pagkatapos, si Felipe ay inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. 27Pumunta nga doon si Felipe, at dumating naman ang isang pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace o reyna ng Etiopia. Galing ito sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. 28Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29“Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. 30Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” 31Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. 32Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya: “Siya ay tulad ng isang tupang nakatakdang patayin; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. 33Siya’y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.” 34Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” 35Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya’t sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Hindi pa ba ako maaaring bautismuhan?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!” 38Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. 40Namalayan na lamang ni Felipe na siya’y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea.

will be added

X\