Gawa 7

1Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?” 2Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya’y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. 3Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwanan mo ang iyong lupain at mga kamag-anakan at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’ 4“Kaya’t umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya’y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. 5Gayunman, hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. 6Ganito ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, 7ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ 8At iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya’t nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na siyang naging mga ama ng labindalawang lipi. 9“Ang mga anak na lalaki ni Jacob ay nainggit sa kapatid nilang si Jose, kaya’t siya’y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, 10at hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya’y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambayanan ng hari. 11“Nagkaroon ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. 12Kaya’t nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno. 13Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. 14Dahil dito’y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu’t limang katao silang lahat. 15Pumunta nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang kanyang mga anak. 16Ang kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor. 17“Maraming-marami na ang mga Israelita sa Egipto nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. 18Si Jose naman ay hindi na kilala ng hari ng Egipto nang panahong iyon. 19Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating ninuno at iniutos niya na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. 20Noon ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, 21at nang siya’y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. 22Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya’y naging dakila sa salita at sa gawa. 23“Nang si Moises ay apatnapung taon na, nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. 24Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya’t ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. 25Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila’y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila’y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang mamahala at humatol sa amin? 28Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ 29Nang marinig ito ni Moises, siya’y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Nag-asawa siya roon at nagkaanak ng dalawang lalaki. 30“Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. 31Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, 32‘Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. 33Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinaroroonan mo. 34Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila’y iligtas. Halika’t isusugo kita sa Egipto.’ 35“Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36Sila ay hinango niya sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya sa Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Mula sa inyo, ang Diyos ay pipili ng isang propeta upang gawing propetang tulad ko.’ 38Siya ang kasama ng mga Israelita sa ilang. Siya ang nakipag-usap sa anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin. 39“Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya’y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. 40Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung napaano na ang Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ 41At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosang kahawig ng guya. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang kamay. 42Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta: ‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay sa loob ng apatnapung taong kayo’y nasa ilang. 43Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec, at ang bituin ng inyong diyus-diyosang si Renfan. Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin, kayo ay dadalhing mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’ 44“Kasama ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. 45Minana ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito’y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. 46Kinalugdan ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos sa mga mamamayan. ng Israel. 47Ngunit si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon. 48“Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta, 49‘Ang langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon, ‘at ang lupa ang aking tuntungan. Ano pang bahay ang itatayo ninyo para sa akin, o anong lugar ang pagpapahingahan ko? 50Hindi ba’t ako ang gumawa ng lahat ng ito?’ 51“Napakatigas ng ulo ninyo! Ayaw ninyong magbago ng inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanang mula sa Diyos! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon; lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. 52Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpapahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na inyo namang pinagtaksilan at ipinapatay. 53Tinanggap ninyo ang kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinusunod.” 54Nagalit kay Esteban ang buong Sanedrin nang marinig iyon at nagngitngit sila laban sa kanya. 55Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. 56Kaya’t sinabi niya, “Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” 57Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban 58at kinaladkad palabas ng lunsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. 59At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” 60Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!”At pagkasabi nito, siya’y namatay.

will be added

X\