Gawa 28

1Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. 2Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsigá sila at inasikaso kaming mabuti. 3Si Pablo nama’y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa sigá, mula roo’y lumabas ang isang ahas. Tinuklaw nito at pinuluputan ang kamay ni Pablo. 4Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa’t isa, “Siguro’y mamamatay-tao iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng langit na siya’y mabuhay pa.” 5Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. 6Hinihintay nilang mamagâ si Pablo, o kaya’y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng akala. “Siya’y isang diyos,” sabi nila. 7Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. 8Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disintirya, kaya’t ito’y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito’y gumaling. 9Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila’y pinagaling din ni Pablo. 10Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng kailangan sa paglalakbay. 11Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal ng Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. 12Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. 13Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa’y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. 14May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo’y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay papuntang Roma. 15Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya’t pumaroon sila sa Foro de Apio at sa Tres Tabernas upang kami’y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas naman ang kanyang loob. 16Pagdating namin sa Roma, si Pablo’y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya. 17Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lunsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako’y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at idinemanda sa kinatawan ng pamahalaang Romano. 18Matapos akong litisin, ako sana’y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. 19Ngunit tumutol ang mga Judio kaya’t napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. 20Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” 21Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. 22Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.” 23Kaya’t nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang papaniwalain sila kay Jesus. 24May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. 25Kaya’t nang hindi sila magkaisa, sila’y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias, 26‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila, Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita. 27Sapagkat napakatigas ng mga puso ng taong ito, mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Sapagkat ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang kanilang mga pag-iisip. Kung ganoon sana’y nagbalik-loob kayo sa akin, at kayo naman ay aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.'" 28Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio’y umalis at mahigpit na nagtalu-talo. 30Humigit-kumulang sa dalawang taong nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. 31Siya’y buong tapang at malayang nangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo.

will be added

X\