Gawa 25

1Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. 3Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag siya sa Jerusalem. 4Sumagot si Festo, “Si Pablo’y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. 5Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may pagkakamali siya, saka ninyo siya isakdal.” 6Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. 7Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. 8Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.” 9Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya’t tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?” 10Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. 11Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dapat parusahan ng kamatayan, wala akong tutol mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Dudulog ako sa Emperador.” 12Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Sapagkat gusto mong dumulog sa Emperador, sa Emperador ka pumunta.” 13Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. 14Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. 15Nang ako’y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. 16Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga’t hindi nito naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa mga nagsasakdal sa kanya. 17Kaya’t nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. 18Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. 19Ang tangi nilang pinagtatalunan ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala’y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya’y buháy. 20Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito, kaya’t tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. 21Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.” 22Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.”“Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo. 23Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lunsod. Pumasok sila sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo’y iharap sa kanila. 24Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. 25Ngunit sa pagsisiyasat ko’y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. 26Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya’y masiyasat natin. 27Inaakala kong hindi na dapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.”

will be added

X\