Gawa 21

1Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami’y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo’y nagpatuloy kami sa Patara. 2Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya’t lumipat kami sa nasabing sasakyan. 3Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. 4Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. 5Ngunit nang dumating ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa’t mga anak, hanggang sa labas ng lunsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. 6Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila’y nagsiuwi na. 7Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil doon nang isang araw. 8Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. 9Siya’y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala’y Agabo. 11Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya’y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.'" 12Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinapahina lamang ninyo ang loob ko! Handa ako, hindi lamang pagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem kung kailangan, alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” 14Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” 15Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. 17Pagdating sa Jerusalem, malugod naman kaming tinanggap ng mga kapatid. 18Kinabukasan, kami nina Pablo’y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga pinuno ng iglesya. 19Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. 20Nang marinig nila ito, sila’y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23Ganito ang gawin mo, mayroon ditong apat na lalaking may panata; 24isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa’y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasya. Huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” 26Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya’y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila. 27Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo’y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at sumigaw. 28“Mga kababayan, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat ng tao saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Gayundin naman, nagsama pa siya ng mga Griego sa loob ng Templo; nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29Ganoon ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo. 30Nagulo ang buong lunsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at biglang isinara ang pintuan. 31Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32Kaya’t nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya. 34Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maliwanagan ng pinuno ang nangyari, kaya’t ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo’y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!” 37Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, nakiusap siya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?”“Marunong ka bang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. 38“Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namundok na kasama ng apat na libong lalaki.” 39Sumagot si Pablo, “Ako po’y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lunsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako’y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” 40Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya’t tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila’y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo,

will be added

X\