Gawa 10

1Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. 2Siya ay isang debotong tao. Siya at ang buo niyang pamilya ay sumasamba sa Diyos. Siya’y matulungin sa mga Judio at laging nananalangin sa Diyos. 3Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya’y tinawag, “Cornelio.” 4Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”Sumagot ang anghel, “Kinalulugdan ng Diyos ang iyong mga dalangin at ang pagtulong mo sa mahihirap. 5Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. 6Siya’y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.” 7Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. 8Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa. 9Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama’y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10Siya’y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! tumindig ka, magkatay ka at kumain.” 14Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma’y hindi ako kumain ng anumang marumi.” 15Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon. 17Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman sa lunsod ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at pagdating doon ay tumawag sila sa may pintuan. 18Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong dalawang. lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20Bumabâ ka’t huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.” 21Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” 22Sumagot ang mga lalaki, “Kami’y pinapunta dito ni Kapitan Cornelio. Siya’y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo at pakinggan ang sasabihin ninyo.” 23Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.Kinabukasan, siya’y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo’y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at kaibigan na kanyang inanyayahan. 25Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo kayo, ako’y tao ring tulad ninyo.” 27Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na wala akong dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan. 29Kaya’t nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.” 30Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako’y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan. 31“Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin at kinalulugdan niya ang pagtulong mo sa mahihirap. 32Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33Kaya’t kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at salamat naman at kayo’y pumarito. Ngayon ay nagtitipon kami sa harap ng Diyos upang makinig sa anumang ipinapasabi ng Panginoon.” 34At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos. 35Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit taga-saan mang bansa. 36Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38Kilala ninyo si Jesus na taga-Nazaret at alam din ninyo kung papaanong pinili siya ng Diyos at kung papaanong pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na saanman siya magpunta, gumagawa siya ng kabutihan sa mga tao at nagpapagaling sa lahat ng pinapahirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. 39“Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya’y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. 40Ngunit siya’y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang makita ng mga tao; 41hindi siya nakita ng lahat ng tao, subalit nakita namin siya. Kami na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi patungkol dito ay nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay. 42Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.” 44Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ang Espiritu Santo ay ipinagkaloob din sa mga Hentil. 46Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba’t ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya’t sinabi ni Pedro, 47“Tulad natin, sila’y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

will be added

X\