2 Corinto 5

1Alam nating kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, na tumutukoy sa ating katawang-lupa, tayo’y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. 2Dumaraing tayo habang tayo’y nasa katawang ito, at labis na nananabik sa ating tahanang makalangit, 3upang kung mabihisan mahubaran. na tayo nito ay hindi tayo matagpuang hubad. 4Habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo’y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na nating iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na nating mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. 5Ang Diyos mismo ang nagtalaga sa atin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa atin ang Espiritu bilang katibayan na ito’y matutupad. 6Kaya’t laging malakas ang ating loob, kahit na alam nating habang tayo’y narito pa sa katawang-lupa, hindi tayo makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. 7Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita. 8Malakas nga ang loob nating iwanan ang katawang ito na ating tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. 9Kaya naman, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa tayo o maging nasa piling na niya. 10Sapagkat lahat tayo’y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo’y nabubuhay pa sa daigdig na ito. 11Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. 12Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami’y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. 13Kung kami’y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. 14Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya’t ang lahat ay maibibilang nang patay. 15Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. 16Kaya ngayon, ang pagtingin natin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y ganoon ang ating pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo’y hindi na. 17Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago. 18Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya. 19Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao’y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. 20Kaya nga, kami’y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami’y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos. 21Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya’y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

will be added

X\