2 Corinto 11

1Ipagpaumanhin ninyo kung ako’y nag-uugaling hangal. 2Ang pagmamalasakit ko sa inyo ay katulad ng pagmamalasakit ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. 3Ngunit nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayô kayo sa tapat at dalisay na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. 4Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo. 5Palagay ko nama’y hindi ako pahúhuli sa magagaling na mga “apostol” na iyan. 6Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng pagkakataon. 7Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako’y nagpakababá upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? 8Ibang iglesya ang nagbibigay sa akin ng mga kailangan ko noong ako’y naglilingkod sa inyo; parang inaagawan ko sila, matulungan lamang kayo. 9At nang ako’y kapusin diyan, hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Mula’t sapul ay iniwasan kong makabigat sa inyo sa anumang paraan, at iyan ang gagawin ko habang panahon. 10Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi ako titigil sa pagmamalaking ito kahit saan diyan sa Acaya. 11Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal! 12Ngunit patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang huwag magkaroon ng katuwiran ang mga namamalita na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. 13Hindi sila tunay na apostol, kundi mga nandaraya lamang at nagkukunwaring mga apostol ni Cristo. 14Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan. 15Kaya, hindi kataka-taka na magkunwaring lingkod ng katuwiran ang kanyang mga lingkod. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa. 16Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako’y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang tulad ng isang hangal. 17Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. 18Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. 19Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa’y matatalino kayo! 20Pinapagtiisan ninyong kayo’y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. 21Kahiya-hiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!Kung may nakapagyayabang, ako’y makapagyayabang din at ako’y nakapagsasalita tulad ng isang hangal. 22Sila ba’y Hebreo? Ako man ay Hebreo rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin ay isang Israelita. Ninuno ba nila si Abraham? Ako’y ganoon din. 23Sila ba’y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong parang isang baliw, ngunit ako’y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking paghihirap kaysa sa kanila; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. 24Limang beses akong tumanggap ng tatlumpu’t siyam na hagupit mula sa mga Judio; 25tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsan namang binato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa’y maghapo’t magdamag akong lulutang-lutang sa dagat. 26Sa malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba’t ibang panganib sa mga ilog, sa mga tulisan, sa mga kapwa ko Judio at sa mga Hentil; mga panganib sa lunsod, sa ilang, sa dagat, sa mga nagpapanggap na mananampalataya. 27Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. 28Bukod sa lahat ng iyan ay inaalala ko pa araw-araw ang mga iglesya. 29Kung may nanghihina, karamay nila ako, at kung may nahuhulog sa pagkakasala, labis na naghihirap ang aking kalooban. 30Kung kailangang ako’y magyabang, ang ipagyayabang ko’y ang aking mga kahinaan. 31Hindi ako nagsisinungaling. Iya’y alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! 32Nang ako’y nasa Damasco, ang pintuan ng lunsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. 33Ngunit isinakay ako sa isang malaking basket at ibinabâ sa kabila ng pader upang ako’y makatakas.

will be added

X\