2 Corinto 1

1Mula kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa ating kapatid na si Timoteo—Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya. 2Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 3Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. 4Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis. 5Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. 6Kung naghihirap man kami, ito’y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma’y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. 7Kaya’t matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan. 8Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa’t akala namin ay mamamatay na kami. 9Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. 10Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami’y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas 11sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami. 12Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa tulong ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. 13Isinulat namin sa inyo iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. 14Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong ipinagmamalaki namin kayo. 15Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang lalo kayong pagpalain. 16Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. 17Ako ba’y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba’y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? 18Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang salita ko sa inyo, ang “Oo” ko ngayon ay mananatiling “Oo”. 19Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” 20sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil sa kanya, nakakasagot tayo ng “Amen” para sa ikaluluwalhati ng Diyos. 21Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. 22Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako. 23Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. 24Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo.

will be added

X\