1 Corinto 7

1Tungkol naman sa nilalaman ng inyong sulat, sinasabi ko sa inyo na mabuti sa isang lalaki ang huwag mag-asawa. 2Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 3Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 4Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. 5Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa’t isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil. 6Ang sinabi ko’y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. 7Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito’y hindi pare-pareho. 8Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa tulad ko. 9Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na sila; mas mabuti ang mag-asawa kaysa di-makapagpigil sa matinding pagnanasa. 10Ito naman ang iniuutos sa mga may asawa, hindi mula sa akin kundi mula sa Panginoon: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. 11Ngunit kung siya’y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya’y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag rin namang palalayasin at hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. 12Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. 13Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. 14Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap din sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay katanggap-tanggap sa Diyos. 15Kung nais namang humiwalay ng asawang hindi mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang hinihiwalayan ay malaya na sapagkat tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. 16Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? 17Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya’y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. 18Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya’y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman tuli nang siya’y tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. 19Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. 20Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya’y tawagin ng Diyos. 21Ikaw ba’y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag mong intindihin iyon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. pagbutihin mo ang paggamit ng iyong kalagayan bilang alipin. 22Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya’y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. 23Malaking halaga ang ipinantubos sa inyo ng Diyos; huwag kayong paaalipin sa mga tao. 24Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo’y tawagin, manatili kayo sa gayong pakikiisa sa Diyos. 25Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagkat kinahabagan ako ng Panginoon. 26Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27Ikaw ba’y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. 28Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo. 29Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya’t mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; 30ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian, 31at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito’y hindi na magtatagal. 32Nais kong máilayô kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. 33Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. 34Dahil dito’y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalagang lubusan ang sarili para sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. 35Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko’y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon. 36Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito’y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. 37At kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya’y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. 38Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa. 39Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. 40Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama’y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos.

will be added

X\