1 Corinto 15

1Mga kapatid, ngayo’y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. 2Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya. 3Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; 4inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; 5at siya’y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. 6Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila’y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. 7At nakita rin siya ni Santiago, at ng lahat ng mga apostol. 8Sa kahuli-huliha’y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako’y tulad ng isang batang ipinanganak nang di-kapanahunan. 9Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako’y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. 11Kaya’t maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo. 12Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo’y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14At kung si Cristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15Kung ganoon, lilitaw na kami’y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16Kung hindi muling binuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo’y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Cristo ay napahamak. 19Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, Kung ang mayroon tayo sa buhay na ito ay pag-asa lamang kay Cristo. tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. 20Ngunit ngayong si Cristo’y muling binuhay, ito’y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. 22Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. 23Ngunit ang bawat isa’y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. 24At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. 25Sapagkat si Cristo’y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. 26Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. 27Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. 28At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat. 29Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? 30At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? 31Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, mga kapatid! Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! 32Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa’y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo’y mamamatay.” 33Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama’y nakakasira ng magagandang ugali.” 34Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo’y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. 35Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?” 36Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga’t hindi iyon namamatay. 37At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. 38Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi’y binigyan niya ng angkop na katawan. 39At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda. 40May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. 41Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag. 42Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay; 43pangit at mahina nang ilibing, maganda’t malakas kapag muling nabuhay; 44inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit. 45Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;” ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay-buhay. 46Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit. 47Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. 48Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. 49Kung paanong tayo’y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit. 50Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan. 51Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo’y mamamatay ngunit lahat tayo’y babaguhin, 52sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” 55“Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” 56Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo’y binibigyan niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! 58Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya.

will be added

X\