1 Corinto 13

1Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. 2Kung ako man ay may kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa’t nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, upang ako’y makapagyabang. ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala! 4Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. 6Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. 7Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas. 8Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba’t ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan. 9Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan nating magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, 10ngunit pagdating ng ganap, mawawala na ang di-ganap. 11Noong ako’y bata pa, ako’y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako’y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. 12Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin. 13Kaya’t ang tatlong ito’y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

will be added

X\